Pension hike ‘wag nang ipagkait
Hataw News Team
May 16, 2018
Opinion
ASAHAN na ang pagmamaktol ng marami nating senior citizens at iba pang mga pensioner ng SSS sa plano ng administrasyon ng ahensiya na ipagpaliban ang nauna nang pangako ni Pangulong Digong Duterte na ibibigay ngayong taon ang natitirang P1,000 dagdag sa pension hike.
Ayon sa SSS, kailangan ipagpaliban muna ang pension hike ngayong taon at maghintay na lang ang mga pensioner hanggang 2020 para sa karagdagang P1,000 pernsion hike. Kung matatandaan, nangako si Duterte ng P2,000 pension hike, at nauna na ngang ibinigay ang paunang P1k noong isang taon. At ngayong 2018 naman ang ikalawang phase.
Pero sabi nga ng SSS kailangan ipagpaliban ito kung ayaw natin na tuluyang masaid ang pondo ng ahensiya dahil sa laki ng perang pinakakawalan nito kada buwan dahil sa taas ng pension ng mga pensiyonado.
At ang nakikita nilang solusyon dito kung hindi mapipigilan ang pagbibigay ng ikalawang bugso ng dagdag pension ay taasan pa ang kontribusyon ng bawat miyembro.
Bagamat nauunawaan natin ang sentimyento ng pamunuan ng SSS, hindi maaaring balewalain ang lagay ng ating mga kababayan, lalo ang mga pensiyonadong mahihirap na at matatanda. Ito lang ang inaasahan para maitawid nila ang mga pangangailangan nila sa pagkain at gamot. Marami pa nga sa kanila riyan, ay silang inaasahan sa mga bayarin.
Hindi na sila makapaghihintay, lalo pa’t nasa panahon na sila ng kanilang “dapit-hapon,” ipagkakait pa ba sa kanila ang kapiranggot na pension hike?
Ang dapat gawin ng SSS ay dagdagan ang kanilang effort na makapaningil at bawasan ang sandamakmak na perks na tinatamasa ng kanilang mga opisyal at consultants.