NATALO sa muling pagtakbo sa pagka-barangay kapitan ang isang kandidato sa Malabon City na kasama sa ‘narco-list’ ng pamahalaan.
Napag-alaman, nakakuha ang incumbent chairman ng Barangay Tinajeros na si Alvin Mañalac ng 2,151 boto, mas mababa kompara sa 3,216 boto na nakuha ng kalaban na si Ryan Geronimo.
Pumangatlo sa pagka-barangay kapitan si Alexander Centeno na mayroong 1,696 boto.
Naiproklama bilang barangay kapitan si Geronimo bago mag-5:00 ng umaga nitong Martes.
Samantala, naniniwala si Geronimo na nakaapekto sa mga botante ang pagkakasama ni Mañalac sa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Agad tinanggap ni Mañalac ang pagkatalo. Sa kaniyang social media account, nagpasalamat si Mañalac sa mga tagasuporta at binati ang bagong halal na barangay chairman.