LAGAYAN, Abra – Labis ang tuwa ng isang 33-anyos kandidato nang manalo bilang chairman ng Brgy. Collago sa pamamagitan ng ‘toss coin.’
Kalaban ni June Cardenas sa posisyon ang kababata at matalik niyang kaibigan na si Rexor Jay Molina, ang nakaupong chairman ng kanilang barangay.
Sa naging halalan nitong Lunes, tabla sa 206 ang kanilang boto kaya kinailangan mag-toss coin para malaman kung sino ang panalo.
Sa Section 75 ng Commission on Elections (Comelec) guidelines, maaaring gamiting tie-breaker ang ‘toss coin’ o draw lots kapag tabla ang boto ng dalawang kandidato.
“Best-of-five” ang naging labanan ng magkababata.
Pinili ni Cardenas ang buntot at ulo ang pinili ni Molina. Tatlong beses lumabas ang buntot sa ‘toss coin.’
Unang beses tumakbong barangay chairman ni Cardenas kaya labis ang kaniyang galak at pasasalamat sa Diyos.
“Nakatutuwa po, kasi talagang bago po nag-toss ng coin, nagdasal po ako sa CR. Sabi ko, Diyos na ang bahala,” kuwento ng nanalong punong barangay.
“Itatabi ko po ito, ipala-laminate ko po kasi ito ang nagpanalo sa akin,” dagdag niya.
Samantala, naging tabla din ang boto sa dalawang kandidatong chairman sa isang barangay sa bayan ng Pilar. Ayon sa election officer doon, posibleng draw lots ang gamiting tie-breaker.