“GENERALY peaceful.”
Ito ang paglalarawan ng Commission on Elections sa ginanap na Barangay and Sangguniang Kabataan elections nitong Lunes, bagama’t may ulat ng mga insidente ng dayaan, karahasan at ilang namatay.
“Generally peaceful, ‘ika nga, [ang eleksiyon]. Natutuwa kami na ang botohan sa iba’t ibang mga presinto ay nairaos nang walang malaking problema, walang malaking disturbance,” pahayag ni Comelec spokesperson James Jimenez kahapon.
Ayon sa Comelec, mayroong kompirmadong 13 poll-related deaths, na mas mababa kaysa 33 namatay noong nakaraang 2013 elections.
Ang election death toll ng Comelec ay mas mababa sa ulat ng national police, na nakapagtala ng 33 namatay at 19 sugatan nitong Lunes.
Patuloy pang kinokompirma ng election body ang mga ulat na ilang botante ang nabigong bomoto dahil ginamit ng ibang tao ang kanilang pangalan.