Mga “pokpok” sa EDSA dumarami
Amor Virata
May 15, 2018
Opinion
PARANG mga bilasang isda na nakakalat sa bangketa ng EDSA corner Tramo St., sa lungsod ng Pasay, sa hilera ng mga mumurahing beerhouse at tapat ng Rotonda Lodge ang mga babaing nagbebenta ng panandaliang aliw sa murang halaga. Dapat maalarma ang pamahalaang lokal ng lungsod ng Pasay, dahil nagiging sanhi ito ng pagkalat ng sexually transmitted disease (STD) sa naturang lungsod,
****
Hindi ba nababahala ang City Health Office ng lungsod? na dapat ay inspeksiyonin ang mga lugar na ‘yan o makipag-ugnayan sa pulisya upang tugisin ang mga ‘bugaw’ at ang mga babaing nagbebenta ng panandaliang aliw? O sadyang bulag ang pulisya at may ilang miyembro ng PNP na nakatalaga rito na nakikinabang sa mga ‘bugaw.’
****
Pinanood ko kung paano humarang ng mga lalaking hayok sa laman ang mga bugaw, P300 kada babae, bahala ang kostumer na magbayad sa otel na pagdadalhan, pero kadalasan ay doon na mismo sa Rotonda Hotel lalo na kung “Mr. Quicky” ang labanan. ‘Yung iba naman ay sa “Mahal Kita Drive Inn” tsinetsek-in ang babaing mapipili, kung may konting pera ang kostumer.
****
Sa aking panayam sa isang babaeng nagbebenta ng panandaliang aliw, sa P300 bayad ng kostumer, ay P100 para sa bugaw, kung minsan ay nagti-tip naman ng barya-barya ang kanilang kostumer kapag nasiyahan sa kanilang serbisyo. Aniya, gumagamit sila ng proteksiyong condom pero may mga kostumer sila na ayaw ng condom, napipilitan na rin sila na ang usapan ay dadagdagan ng P200 ang bayad sa kanila na sumatotal ay P500.
****
Napansin ko na mabili ang mga babae, bagama’t ang mga hitsura ay kailangan mong takpan ang mga mukha. Biro ng aking kasama, naroroon na sa EDSA at nagbebenta ng panandaliang aliw! Meron pang bungal, mga amoy pabangong mumurahin at kapansin-pansin ang mga babae ay sadyang hirap sa buhay, pantawid gutom din umano ang kanilang kinikita.
****
Isa ito sa dapat pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno, kung paano masusupil ang ganitong hanapbuhay. Kung minalas-malas ka, aakit ang aabutin ni mister! Dapat pagtutunan ito ng City Health Office ng lungsod ng Pasay, dahil walang medikal na eksaminasyon ang mga babae rito at ang pulisya dapat ay huwag maging bingi at bulag! Kung kailan tumaas ang sahod ng mga pulis ay naging pabaya! Hindi alam ito ni Mayor dahil mahigpit ang kanyang tagubilin sa sawatain ang ang mga ganitong uri ng hanapbuhay sa kanyang lungsod!
Ngayon alam na ni Mayor, sigurado, pakikilusin niya ang mga awtoridad dito! Si Mayor ay good family man, may takot sa Diyos.
Abangan!