NASA kustodiya na ng Las Piñas City Police ang kasambahay at driver na umamin sa kanilang partisipasyon sa pagpaslang sa amo nilang dean ng isang medical school nitong nakalipas na Biyernes.
Kinilala ng pulisya ang dalawang suspek na ang live-in partners na sina Juvy Bandoy Acero, alyas Tata, 43, at Dindo Engcoy Legano, 39-anyos.
Naunang inaresto ng pulisya si Acero na ikinonsidera bilang “person of interest” makaraan matagpuang patay ang biktimang si Harivelle Charmaine Tapaoan Hernando, 62, dekano ng University of Perpetual Help System Dalta, School of Medicine, sa loob ng kanyang bahay sa Doña Manuela Subdivision nitong 11 Mayo.
Namatay ang biktima dahil sa mga tama ng saksak sa dibdib batay sa ulat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Naunang sinabi ni Acero sa mga awtoridad na nakarinig siya ng sigawan sa silid ni Hernando sa ikalawang palapag kaya’t agad siyang tumawag ng pulis.
Natagpuan ang bangkay ni Hernando na tadtad ng saksak makaraang puwersahan buksan ang master’s bedroom.
Isinisi ni Acero ang insidente sa dating driver na sinibak ni Hernando, na umano’y gumagamit ng ilegal na droga.
Gayonman, nabatid ng pulisya na ang testimonya ni Acero ay pawang gawa-gawa lamang, ayon kay C/Insp. Joel Gomez, hepe ng Investigation Section ng Las Piñas police.
(JAJA GARCIA)