NAKAPAGTALA ang Philippine National Police (PNP) ng 33 katao napatay sa hinihinalang election-related incidents sa buong bansa mula sa pagsisimula ng election period noong 14 Abril.
Hanggang 6:00 am nitong 14 Mayo, sinabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde, nakapagtala sila ng kabuuang 35 suspected at pitong validated election related incidents.
Sa 42 incidents, 33 ang shooting, dalawa ang kidnapping, habang tig-iisa ang insidente ng strafing, arson, harassment, illegal detention, ambush, grave threats at grenade throwing.
Samantala, sa 33 indibiduwal na napatay, 18 sa kanila ang elected government officials, apat ang kandidato, tatlo ang dating elected government officials, dalawa ang supporters, at anim ang sibilyan.
Ang kabuuang bilang ng nasugatang indibiduwal ay 26.
Sa bilang na ito, limang elected government officials ang sugatan, dalawa ang kandidato, sampu ang supporters, at siyam ang sibilyan.
Sa tala, 42 kaso ang under investigation, anim ang nasa Prosecutor’s office, tatlo ang isinampa sa korte, at isa ang idinismis makaraan ihain.
Sinabi ng PNP chief, mayroong 126 suspects, 29 sa mga kinilala ang nakalalaya pa habang 82 hindi pa kilala ay nakalalaya pa rin. Idinagdag niyang anim suspek ang nakakulong habang siyam ang pinalaya.