SUMUKO sa militar sa Maguindanao ang 11 kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF), kabilang ang isang may ranggong commander, nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Lieutenant Colonel Harold Cabunoc, commanding officer ng 33rd Infantry Battalion, mas pinaigting na military operations at pakikipag-ugnayan sa komunidad ang dahilan ng pagsuko ng mga rebelde.
“We have engaged the people to change perceptions and lure the insurgents back to the folds of the law,” sabi ni Cabunoc.
Isa sa mga sumuko ang 50-anyos na si Sindatok Dilna na second-in-command ni Gani Saligan, nagpapakilalang brigade commander ng BIFF 2nd Division.
Ayon kay Dilna, napagod na siya matapos ang ilang buwang pagtatago.
Kabilang sa mga isinuko ng mga rebelde ang dalawang M16 rifle, dalawang M14 rifle, apat garand rifle, isang M1 carbine, at isang caliber .50 barrett rifle.
Sumuko ang mga rebelde sa Liguasan Marsh, at doon sila sinalubong ng mga opisyal ng militar at mga lokal na opisyal ng mga bayan ng Paglat at General Salipada K. Pendatun.