IPINAHIWATIG ni Pangulong Rodrigo Duterte na may isa pa siyang sisibakin na opisyal ng kanyang administrasyon na sabit din sa katiwalian dahil sa madalas na pagbibiyahe.
“There’s another one coming up. I think that… You know if you go to other places to attend important meetings that could may affect the country, I would appreciate it,” anang Pangulo.
Noong nakalipas na linggo’y inihayag ng Palasyo na pinaiimbestigahan ni Pangulong Duterte ang Philhealth dahil sa COA report na P627,000 travel expenses ni officer-in-charge Celestina dela Serna at ang pagkalugi ng ahensiya ng P9-B.
Sa liham ng Philhealth Workers for Hope, Integrity, Transparency and Empowerment (Philhealth WHITE) kay Pangulong Duterte, isiniwalat ng mga kawani ang paglagak ng P900-milyon mula sa isang bilyong pisong Externally Managed Fund (EMF) sa common stocks na labag sa Section 27 (d) ng Republic Act 10606 o Philhealth Charter na nagtatakda na dapat ay sa preferred stocks lamang puwedeng i-invest ang EMF.
Ang pag-invest ng EMF sa common stocks ay nagresulta sa pagkalugi ng P116 milyon, batay sa income statement.
Nabatid sa Philhealth WHITE na katumbas ng estafa ang sabwatan nina Dela Serna at PHICEA President Esperanza Ocampo ang illegal na pagpataw ng P2,000 na 10% agency fee sa 2016 at 2017 collective negotiation agreement (CNA) incentive na nagkakahalaga ng P20,000 noong nakalipas na Enero 2017 sa 3,500 casual employees na u-mabot sa P16-M.
ni ROSE NOVENARIO