MULING pinalawig ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kampanya para mabigyan ng pasaporte at iba pang consular services ang mga nasa malalayong bayan sa nakatakdang paglabas ng karagdagang apat na van para sa Passport on Wheels.
Ang mga van, na dumating nitong 4 Mayo, ay ilalabas at bubuksan sa publiko simula sa 18 Mayo matapos ang masusing inspeksiyon, pagpapatakbo at training ng mga tauhan nito.
Sa karagdagang apat na van, umabot na sa walo (8) ang bilang ng mga van para sa Passport on Wheels program na idinisenyo upang maresolba ang dumaraming numero ng mga gustong makakuha o makapag-renew ng pasaporte.
“DFA will continue to exert all efforts to make passport services accessible to our people wherever they are in the country,” diin ni Secretary Alan Peter S. Cayetano.
Ang Passport on Wheels, na sinimulan noong 15 Enero ngayong taon, ay nakarating na sa mahigit 82 lungsod, munisipalidad, mga opisina at organisasyon.
Nakarating na ito sa mga probinsiya sa northern Luzon kabilang ang Ilocos Norte, at maging sa Mindanao at nabigyan ng serbisyo ang mga residente sa Davao City.
Simula 15 Enero hanggang 30 Abril, ang Passport on Wheels ay nakapagbigay na ng serbisyo sa kabuuang 94,422 passport applicants.
Ang bawat van ay may kompletong kagamitan kagaya ng limang (5) Data Capturing Machines na may kakayanang magproseso ng 500 applications.
Sa karagdagang units, ang bilang ng mga aplikante na mabibigyan ng serbisyo ay tumaas na rin at puwedeng madagdagan nang mahigit 4,000 aplikasyon ang maipoproseso kada araw.
Sa darating na Hunyo, ang DFA ay may planong magdagdag ng dalawa (2) pang megavans para mas marami ang maiproseso ng Data Capturing Machines at muling itaas ang kapasidad ng DFA sa pagkakaloob ng pasaporte.
Bukod sa Passport on Wheels, ang DFA ay nagpapatupad na rin ng iba pang programa sa ikaluluwag ng passport processing sa mga kababayan.
Nakatakdang magbukas ang DFA ng consular office sa Ilocos Norte sa 8 Mayo at isa pa sa Isabela sa 15 Mayo. Ang dalawang bagong consular office ay karagdagan sa opisina na nagbukas kamakailan sa Tacloban. Anim (6) pang Consular Office ang bubuksan sa ibang rehiyon sa mga darating na buwan.
Ang iba pang programa ay pagbibigay ng serbisyo ng DFA kada Sabado sa Aseana office, karagdagang kapasidad ng aplikante kada araw sa lahat ng consular office at pagpapalawak sa courtesy lanes sa mga sector na kailangan ito at ang pagsawata sa fixers at scammers.