IPINAGMAMALAKI ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang Philippine Premiere ng international drama film na Train Station ng McGoollagan Films kasama ang US based filmmakers CollabFeature sa Cine Lokal.
Tampok sa natatanging pelikulang ito ang 40 director na nagmula sa 25 bansa at 43 aktor na bumida para sa karakter na ‘Person in Brown’. Ang pelikulang ito ay inilarawan bilang bagong genre sa filmmaking, pagkakaisa ng iba’t ibang kultura at pagbali sa language barriers.
Ang Train Station ay tungkol sa isang misteryosong aksidente sa tren, mapipilitan ang isang tao na baguhin ang kanyang mga plano at haharap sa maraming pagpipilian. Ang bawat desisyon na ginagawa niya ay humahantong sa iba’t ibang mga sitwasyon, bawat isa ay kuha ng ibang direktor na may ibang cast.
Dahil sa kakaibang treatment ng pelikula, umani ito ng mahigit 15 international awards at mayroong entries sa prestihiyosong Guinness Book of World Records. Kabilang dito ang Most Directors of a Feature Film, Most Female Directors of a Feature Film, Most Languages Spoken in a Feature Film, Most Country Locations of a Feature Film, and Most Number of Actors in the Lead Role.
Kakaibang cinema experience mula sa international film na Train Station ang mapapanood simula Mayo 4 sa SM Mall of Asia, SM Megamall, SM North Edsa, SM Fairview, SM Southmall, SM Bacoor, SM Sta. Mesa, at SM Manila.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio