WALANG silbi ang executive order (EO) na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon.
Inihayag ito ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, kahapon.
Aniya, ang pagbababawal sa labor only contracting (LOC) ay nasa labor code na at ang kailangan ay maglabas ng policy na ipagbawal ang lahat ng uri ng job contracting.
Giit niya, ang layunin ng EO ay pahupain ang galit ng mga manggagawa sa pagtalikod ni Pangulong Duterte sa pangako niyang wakasan ang ENDO at kontraktuwalisasyon.
“I assure you that this government will never cease in its efforts to provide every Filipino worker with full, dignified and meaningful employment. They deserve no less than decent and comfortable lives,” ani Duterte sa pagtitipon sa Cebu City kahapon.
“However, I believe that in order to implement an effective and lasting solution to the problems brought about by contractualization, Congress needs to enact a law amending the Labor Code,” dagdag niya.
ni ROSE NOVENARIO
LABOR DAY
PROTESTS
SUMENTRO
VS ENDO
NAGSAGAWA ng kilos-protesta ang iba’t ibang militanteng grupo nitong Martes, Labor Day, bilang pagtuligsa sa kabiguan ng gobyerno na aksiyonan ang karaingan ng mga manggagawa.
Hindi madaanan kahapon ang Legarda at Recto Avenue sa Mendiola St., San Miguel, Maynila na inookupahan ng iba’t ibang militanteng grupo.
Tinatayang aabot sa 20,000 mula sa iba’t ibang lugar sa Luzon ang lumahok sa protesta kasama ang mga miyembro ng Kilusang Mayo Uno, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Nagkaisa, at Workers Against Contractualization (WAC).
Pawang mga nakasuot ng kulay pulang damit ang mga nagsasagawa ng programa.
Pangunahing ipinaglalaban ng mga grupo ng manggagawa ang pagbuwag sa sistemang kontraktuwalisasyon na walang seguridad para sa mga manggagawa.
Nangyayari anila ang tinatawag na “trilateral working arrangement” na may namamagitang middleman o agency. Dito umano isinasagawa ang bidding sa pababaan ng sahod sa manggagawa.
Nais ng grupo na mapalitan ito ng bilateral working arrangement na direkta ang pagha-hire sa mga empleyado.
Isa rin sa mga ipinaglalaban ng mga grupo ang umento sa sahod.
Ayon sa kanila, sa mga probinsiya ay mas mababa pa sa P512 ang tinatanggap na minimum wage na ipinatutupad sa Metro Manila.
Kulang anila ito para makapamuhay nang disente ang isang pamilya.
Ang hiling ng grupo ay living wage na magsisimula sa halagang P1,200 pataas.
720,000 GOV’T
WORKERS
CONTRACTUAL
— COURAGE
ISA sa tatlong government workers ay hindi regular employee bagama’t ang ilan sa kanila ay ilang taon na sa serbisyo, ayon sa union leader nitong Martes, Labor Day.
Tinukoy ang data mula sa Civil Service Commission of the Philippines, sinabi ni COURAGE president Ferdinand Gaite, tinatayang 720,000 state employees ang contractual, mula sa kabuuang 2.3 milyon.
“Nakaaalarma ang bilang na iyon,” pahayag ni Gaite.
Dagdag niya, ang government workers ay hindi sakop ng Labor Code, na nakasaad ang mga probisyon para sa kapakanan ng mga manggagawa.
Aniya, ang state employees ay hindi rin sakop ng executive order na magtatapos sa labor contractualization, na maaaring pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Pirmahan niya o hindi, ang government workers ay tutulak pa rin na dapat maging regular iyong daan libong kontraktuwal,” ayon sa union leader.