PINAIIMBESTIGAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kinukuwestiyong P60-M bayad sa anunsiyo ng Department of Tourism (DOT) sa People’s Television Network Inc. (PTNI) na napunta sa kompanya ng mga Tulfo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nakarating kay Pangulong Duterte ang Commission on Audit (COA) report hinggil sa isyu.
“I assure you: the Palace will investigate the matter. We cannot of course — we have to accept the findings of the COA. I understand this is the final finding. But the Palace will investigate on its own,” ani Roque sa press briefing kahapon sa Palasyo.
Nais aniyang malaman ng Pangulo ang puno’t dulo ng isyu.
Matatandaan, makailang beses nang sinabi ng Pangulo na hindi niya kokonsintihin ang anomang uri ng korupsiyon kahit na bulung-bulungan lang.
Batay sa COA report, ang P60 milyong ibinayad ng DOT sa PTVNI ay napunta sa Bitag Media Unlimited, Inc., na pagmamay-ari ni Ben Tulfo, host ng programang Kilos Pronto at kapatid ni Tourism Secretary Wanda Teo.
(ROSE NOVENARIO)