AGAD binawian ng buhay si Reverend Father Mark Ventura, isang paring Katoliko, makaraan pagbabarilin sa harap ng altar matapos ang misa sa isang barangay sa bayan ng Gattaran sa lalawigan ng Cagayan, nitong Linggo ng umaga.
Sa imbestigasyon ng pulis-Gattaran, nangyari ang insidente pasado 8:00 umaga sa Brgy. Peña West.
Napag-alaman, kakatapos ng misa ni Fr. Mark nang lapitan siya ng suspek at pagbabarilin.
Si Fr. Ventura ay dating mission director ng Mabuno Mission ng Cagayan. Siya ay dating rector at prefect of discipline ng Thomas Aquinas Major Seminary. Naging professor din siya ng Lyceum of Aparri, Cagayan.
Siya ay inordinahan sa Tuao, Cagayan, limang taon pa lamang ang nakalilipas.
Iniimbestigahan ng mga pulis kung sino ang suspek at ang motibo ng pagpatay.
PAGPASLANG
KINONDENA
NG CBCP
KINONDENNA ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagpatay kay Father Mark Ventura, isang Catholic priest ng Archdiocese of Tuguegarao, makaraan magmisa sa Gattaran, Cagayan, nitong Linggo.
“We are totally shocked and in utter disbelief to hear about the brutal killing of Fr. Mark Ventura, Catholic priest of the Archdiocese of Tuguegarao,” ayon sa CBCP.
“Right after celebrating the Sunday Eucharist at eight o’clock in the morning today, he was shot to death by murderers riding in tandem. We condemn this evil act!” dagdag ng CBCP.
Hinikayat ng CBCP ang mga imbestigador na agad tugisin ang mga suspek at igawad ang katarungan sa pagkamatay ng pari.
Kasabay nito, nagpahayag ng pakikiramay at nag-alok ng panalangin ang CBCP sa pamilya ni Ventura at sa mga Katoliko sa Tuguegarao.
PALASYO ‘TAHIMIK’
TIKOM ang bibig ng Palasyo sa kaso nang pagpatay sa isang pari ilang minuto matapos siyang magmisa sa Brgy. Peña West, Gattaran, Cagayan kahapon ng umaga.
“Will post once Spox has reax,” matipid na tugon ni Communications Assistant Secretary Queennie Rodulfo nang tanungin kung ano ang pahayag ni Presidential Adviser on Human Rights at Presidential Spokesman Harry Roque sa pagpatay kay Fr. Ventura.
Si Fr. Ventura ay pinagbabaril ng mga suspek na riding-in-tandem ilang saglit matapos siyang magmisa dakong 8:00 ng umaga kahapon.
Nagimbal at mariing Kinondena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang pagpaslang kay Fr. Ventura
HATAW News Team