MULING nagpatupad ng dagdag presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa, epektibo ngayong araw, 24 Abril.
Pinangunahan ng Flying V, PTT Philippines, Pilipinas Shell, Total Philippines ang taas-presyo na P0.40 kada litro ng gasolina, P0.65 kada litro sa diesel, at P0.65 kada litro sa kerosene, epektibo ngayong araw, dakong 6:00 ng umaga.
Habang aasahan na magsusunuran magtaas ng presyo ang iba pang kompanya ng langis sa bansa kabilang ang dalawa sa tinaguriang “Big 3” na Petron Corporation at Chevron (Caltex) sa pagpapatupad ng dagdag presyo sa mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga.
Ang ipinatupad na pagtaas sa presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod ng patuloy na paggalaw ng presyohan nito sa pandaigdigang pamilihan.
Nitong nakaraang linggo, 17 Abril, ay nagpatupad ng pagtaas ng presyo ang ilang produktong petrolyo sa P0.35 kada litro ng gasolina, P0.55 kada litro sa diesel at P0.80 kada litro sa kerosene. (JAJA GARCIA)