ITO raw ang malaking problema ng mga opisyal ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte — gaya-gaya puto maya.
Kapag nahaharap umano sa maseselang isyu parang biglang nagwawala at umaastang si tatay Digong kung magsalita.
Gaya ni Foreign Secretary Alan Peter Cayetano nang pumutok ang isyu ng extrajudicial killings sa ilalim ng anti-drug war ng Duterte administration na pinuna ng European parliament, agad nagtaas ng boses at inakusahan na nakikialam sa internal affairs ng bansa.
Bilang kalihim nga naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang dapat niyang gawin ay maging diplomatiko at harapin nang may matibay na basehan ang bintang ng European parliament.
At kapag napanindigan niya ang mga argumento saka siya mag-iwan ng salita na: “Ayaw na naming maulit ito, dahil kung hindi, gagawin namin ang mga karampatang aksiyon para matandaan ninyo na hindi kayo dapat nanghihimasok sa internal affairs ng bansang Filipinas.”
Ganoon dapat katikas! Hindi ‘yung ginagaya lang si Tatay Digong tapos sasabihin astig na…
E nasaan pala ang “output?”
Bokya na naman?! Aruykopo!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap