HINIMOK ni Pasig River Rehabilitation Commission Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia ang taong bayan na pairalin ang disiplina upang mapigilan ang labis na pagtatapon ng mga basura sa daluyang tubig at tributaryo ng Ilog Pasig.
Bagamat araw ng Linggo, imbes nagpapahinga, sinikap ni Goitia na pangunahan ang kanyang mga River Warriors na linisin ang malahalimaw na basura sa ilalim ng Sevilla Bridge sa pagitan ng mga lungsod ng Mandaluyong at San Juan City.
“Hindi kaya ng local government units ang paglilinis ng sobrang dami ng basurang ito. Pati ang MMDA (Metro Manila Development Authority), hirap na rin. Kaya nakikiusap kami sa taong bayan, tumulong naman sila at igalang ang kalikasan,” pahayag ni Goitia na tiniis ang labis na init ng panahon para lamang masamahan ang kanyang mga tauhan noong hapon ng Linggo.
Iginiit ng PRRC head na matibay na disiplina ang dapat pairalin ng mamamayan upang hindi na masalaula ang ating kalikasan.
“Nakikiusap ako sa ating mga kababayan, mahalin natin ang ating kalikasan. Hindi natin makakamit ang lubos na tagumpay at magiging mahirap para sa atin kung hindi makikiisa ang mga Filipino sa mga layunin ng ating mahal na Pangulong Rodrigo Duterte tungo sa Pagbabago,” hiling ni Goitia.
Ganap na 3:00 ng hapon, sa gitna ng init, patuloy ang River Warriors sa pagtatanggal ng sangkaterbang mga basura na halos okupahan na ang buong ilog ng San Juan at Mandaluyong.
“Bukod sa mga sakit na maaaring makuha ng mga tao sanhi ng labis na basura sa mga ilog, nagsisilbi pa itong hadlang sa mga plano ng ating pamahalaan na mapabuti ang pamumuhay ng bawat mamamayang Filipino. Sana, magtulungan tayo alang-alang sa ikabubuti ng ating bayan,” dagdag ni Goitia.