BILANG pagtupad sa kanyang babala, inianunsiyo ni Interior and Local Government Assistant Secretary Jonathan Malaya nitong Lunes, na maghahain na ng kaso ngayong linggo laban sa barangay officials na bigong magpatupad ng Barangay Anti-Drug Abuse Council.
“Ipa-file po namin ito sa Ombudsman, malapit lang naman. Sasampol muna kami,” pahayag ni Malaya sa pulong balitaan sa DILG-NAPOLCOM building sa Quezon City.
Sinabi ni Malaya, inihahanda na ang mga kaso at mga dokumento sa posibleng paghahain nito sa Miyerkoles o Huwebes.
“Magpa-file na kami ng kaso doon sa mga barangay officials who have not organized their BADAC,” ayon kay Malaya.
Sina Interior Undersecretary Martin Diño at Assistant Secretary Martin Echiverri ang maghahain ng mga reklamo, bilang pinuno ng task force na inatasang humawak sa mga kaso.
Magugunitang nagpalabas ang DILG ng memorandum na nag-uutos sa lahat ng barangay na magsumite ng inventory at turnover sa lahat ng barangay properties, financial records, documents (BPFRDs), at money accountabilities.
Ang iba pang mga detalye ng mga kaso ay ipalalabas sa Huwebes.