BORACAY – Nakahanda na ang mga pulis para sa 6-month closure ng isla na magsisimula ngayong Huwebes.
Sinabi ni Supt. Cesar Binag, Western Visayas police chief, ang 630-member strong Joint Task Force Boracay ang inatasang magpatupad ng seguridad sa Boracay habang ang isla ay isinasailalim sa malawakang paglilinis at rehabilitasyon.
Ayon kay Binag, ang mga miyembro ng task force mula sa regional police, ay susuportahan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at civic groups.
Samantala, susuriin ng Department of Interior and Local Government at Department of Tourism, kasama ng pulisya at lokal na mga opisyal, ang security protocol sa Boracay, ngayong Lunes.
Mula sa Caticlan Jetty Port, maglalagay ng command and action center na mag-iinspeksiyon sa mga nagnanais pumasok sa Boracay.
Ang mga residente, mga manggagawa, miyembro ng rehabilitation team at media ay daraan sa iisang entry and exit point sa Caticlan Jetty Port bago makapasok sa isla.