MASAYA si Dexter Macaraeg sa pagiging bahagi niya ng mini-series na Amo na napapanood ngayon sa Netflix. Ito’y tinatampukan nina Vince Rillon, Allen Dizon, Felix Roco, at Derek Ramsay, at mula sa pamamahala ng award-winning director na si Brillante Mendoza.
Ano ang reaction mo na napapanood ka na sa Netflix?
Pakli ni Dexter, “Masaya ako dahil worldwide agad ang exposure.”
Ano ang role mo sa mini-series na ito? “Isang retired police officer na paralisado, ako si Enteng Molina at anak ko si Vince bilang si Joseph Molina.”
Nabanggit din ni Dexter ang sobrang pasasalamat kay Direk Brillante. “Bilang mentor ko si Direk Brillante Mendoza, thankful ako sa kanya dahil ipinagkatiwala niya sa akin ang role ng isang pulis na retirado at paralisado na hindi kailangan ng takbuhan, barilan, at sumisigaw.
“Mahirap din pala kung sa totoong buhay ang isang paralisado na retiradong pulis na wala ka nang lakas para tulungan ang sarili mo. Mayroong eksena na pinapaliguan ako ng anak ko (Joseph) sa banyo at hirap ako dahil nasa wheelchair at dinudukot sa aking puwet ang dumi/tae ko. Siyempre nakahihiya ‘yun sa anak ko, ‘di ba? Pakiramdam ko useless na ako sa pamilya at ang anak ko ay isa palang drug runner.
“Mahusay talaga ang bantog na direktor ko. Saludo ako sa kanyang detalyadong pagbibigay ng instructions sa buong cast. Masaya siyang direktor na kasama sa set at mabilis ang atake niya sa mga eksena. Kay Vince naman, bilang newcomer at lead role agad sa Amo, focus siya at determinado sa ginampanang role. Mabait na katrabaho at magalang. Malayo ang mararating ni Vince at ngayong lumabas na siya sa Ang Probinsyano, tuloy-tuloy ang paghahasa niya sa pagganap sa telebisyon. Nakikita ko ang pagsikat ni Vince tulad din ni Coco Martin na alam ng lahat na nagsimula sa indie films tulad ng Masahista at Serbis na idinirehe ni Brillante,” saad ni Dexter.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio