HINULI ang dalawang lalaki habang umiihi sa pampublikong lugar at nakompiskahan ng umano’y ilegal na droga sa Pasay City, kahapon ng madaling-araw.
Nakakulong sa detention cell ng Pasay City Police ang mga suspek na sina Jomar Mamaril, 27, at Kevin Ogaya, 27, barker, kapwa residente sa E. Rodriguez St., Brgy. 4, Zone 2, sa nasabing lungsod.
Base sa ulat ni Southern Police District (SPD) Public Information Office (PIO) spokesperson, Supt. Jenny Tecson, naganap ang insidente sa panulukan ng F.B. Harrison at E. Rodriguez streets, dakong 4:00 ng madaling-araw.
Nagpapatrolya sina PO1 Adel Ryan Espinas, PO1 Dennis Suyu at PO1 Benigno Aquino, nang mamataan ang dalawang suspek habang umiihi sa publikong lugar.
Sinita nila ang mga suspek at nang kapkapan ay nakuha mula kina Mamaril at Ogaya ang isang pakete ng hinihinalang shabu, at drug paraphernalia.
Dinala ang mga suspek sa tanggapan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasay City Police upang imbestigahan at sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) at City Ordinance No.1572 (Urinating in Public Places) sa Pasay Prosecutor’s Office.
(JAJA GARCIA)