SINISIMULAN nang utuin ng mga kandidato sa nalalapit na local election ang mga tao partikular ang mga barangay chairman at iba pang mga barangay official na unang magdaraos ng kanilang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa 14 Mayo 2018.
Kanya-kanyang estilo ng pang-uuto ang mga kandidato sa publiko. May mga nagme-medical mission, may nagbibigay ng libreng bigas, may nagpapalaro ng parlor games, may nagbibigay ng pintura at higit sa lahat ay bigla na rin silang nakikidalamhati sa mga burol ng namatayan.
Mantakin n’yo na halos tatlong taon natin ‘di nakita maski na anino nila. Hindi natin malaman kung saan makikita o matatagpuan lalo na sa mga oras ng pangangailangan. Ultimo mga staff ng mga damuho ay ililigaw ka. Ang tanging maririnig lamang kundi out of town si sir o si mam o dili kaya ay may emergency meeting.
Out of nowhere ay heto na naman sila ngayon na biglang nagsulputan na parang mga kabute, kamay dito at kaway doon, kindat dito at ngiti roon.
Napag-alaman natin na ang unang nilalapitan nila ay mga barangay chairman at barangay officials na tatakbo sa barangay election sa 14 May 2018.
Akala mo ba ay mga totoong tao. Ano ba ang maitutulong namin sa inyong barangay? Ano man ang inyong kailangan ay daop-palad naming ibibigay. Ganyan ang kanilang mga bokilya, matamis at puwedeng panghimagas.
Ipinapalagay rin ng marami na may inaalagaang mamanukin nilang chairman ang mga politiko. Sumusugal at pumupusta rin sila dahil malaki nga naman ang posibilidad na dalhin at ikampanya sila sa local election. Mahusay, ‘di po ba?
Ang mga kandidato ay binubuo ng mga konsehal, congressman, bise-alakalde at alkalde ng kani-kanilang lungsod o munisipyo. Halos isa at matik, nagpapanabayan, incumbent man talunan o mga first timer. Segun din siguro sa laki ng pondo at sa lalim ng balon ng bawat isa.
Mga katoto, anihan at harvest time na naman. Siguradong dadagsa ang salapi at pera sa lansangan na dala-dala ng mga inenegosyo lang ang politika. Tanggap nang tanggap pero siguraduhin lang natin na susundin natin ang dikta ng ating konsensiya at adhikain sa pamimili ng ating iboboto.
Vice versa lang ‘yan mga madlang people at mga dabarkads, kung marunong silang mang-uto ay makipag-utuan tayo, kung magaling silang mambola e ‘di makipagbolahan tayo…
Ride on men…
Palagi nating itanim sa ating mga kukote na pagkatapos ng eleksiyon ay kung ilang taon na naman natin ‘di makikita ang mga damontres kung kaya samantalahin na natin, lets make the best out of it.
Siyanga pala pasintabi lang po, hindi naman po siguro lahat ng mga kandidatong ay iisa lang ang kulay, mayroon naman sigurong natatangi na may dedikasyon at sinseridad.
Sila ‘yong mga chosen few. He he he…
IMAHEN NG MPD
MULING
NAMANTSAHAN
Muling nasira ang magandang imahen ng Manila Police District (MPD) nang matimbog ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation ang apat na pulis na nakatalaga sa MPD-PS 9 sa Malate, Maynila na umano’y humulidap sa isang Egyptian national kamakailan.
Kinikilan umano ang Egyptian ng halagang P50,000 matapos nilang arestohin sa kasong illegal possession of drugs.
Ang apat na pulis ay kinilalang sina SPO3 Ranny Dionisio, PO3 Richard Bernal, PO1 Elequiel Fernandez at PO1 Arjay Lasap na pawang nakatalaga sa Intelligence Unit ng MPD-PS9.
Ultima hora sinibak sila sa kanilang posisyon ni MPD director Gen. Joel Coronel kasama na ang kanilang station commander na si Supt. Eufronio Obong, of course, command responsibility.
Umaasa ang marami na muling maibabalik at maibabangon ng MPD partikular ng Station 9 ang kanilang naging masamang reputasyon sa pamumuno ng bagong talagang commander na si Supt. Erwin Dayag.
Sa pagkakataong ito ay nais namin batiin ang pamunuan at mga operatiba ng NBI for a job well done. Kudos at mabuhay kayo!
YANIG
ni Bong Ramos