DUMAGSA sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Arroceros, Maynila ang libo-libong kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections para maghain ng kanilang certificate of candidacy (COC).
Tinatayang 4,000 katao ang pumila sa opisina ng Comelec nitong Miyerkoles. Marami umano sa kanila ay 4:00 pa ng madaling-araw pumila.
Napag-alaman, dahil sa sobrang siksikan at init ng panahon, may ilang nahilo at nahimatay.
May ilan ding nagreklamo sa palpak na sistema ng pila.
“Walang kuwenta, dapat expected na nila ‘yan na ang tao ay papadami. Dapat ang sistema nila, maayos din, papaunlad, hindi papaganito,” pahayag ni Elisa Duque, maghahain ng COC.
Una nang sinabi ng Comelec na marami ang magpa-file kahapon.
Naniniwala kasi ang iba na suwerte ang araw ng 18 Abril sa kanilang pagtakbo.
Bukod sa mga nais maging kapitan at kagawad, dumagsa rin sa opisina ng Comelec ang mga kabataan na nais tumakbo sa SK elections.
Inaasahan ng Comelec na mas marami pa ang maghahain sa huling dalawang araw ng pag-file ng COC.