AABOT sa P3 milyon halaga ng mga ari-arian ang natupok sa isang warehouse sa Brgy. Buting, Pasig City.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) – Pasig City, sumiklab ang sunog sa naturang warehouse dakong 9:20 pm nitong Miyerkoles.
Salaysay ng ilang trabahador ng kalapit na warehouse, may narinig silang pagsabog bago nakitang mag-apoy ito.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog, ngunit nahirapan ang mga bombero sa pag-apula nito.
Sinabi ni Supt. Douglas Guiyab, acting Pasig City fire marshal, mga muebles na karamihan ay gawa sa kahoy ang laman ng warehouse.
Habang sa mezzanine ang opisina ng PKSS Enterprise Inc.
Tuluyang bumagsak ang bubong ng warehouse kahit gawa sa bakal ang mga brace nito. Bumigay rin ang ilang parte ng konkretong pader.
Dakong11:00 ng gabi nang ideklara ng BFP na under control na ang sunog.
Walang empleyado sa loob ng warehouse nang mangyari ang insidente. Umuwi sila sa kanilang bahay dakong 4:00 ng hapon.
Pinapatay rin umano ang main circuit breaker ng warehouse na pagmamay-ari ng isang Clarita Tantoco.