PATAY ang isang 3-anyos nene sa sunog na sumiklab sa isang bahay sa Lapu-Lapu City sa Cebu, nitong Miyerkoles.
Ayon sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktimang si Mary Julianne Castillano, 3-anyos.
Napag-alaman, sumiklab ang sunog nitong Miyerkoles ng hapon habang nagpapahinga ang mga batang Castillano at ang kanilang lola.
Wala sa kanilang bahay sa mga oras na iyon ang tatay ng mga bata na si Dante.
Ayon sa panganay na si Geraldene, nahawakan niya ang kamay ng kaniyang kapatid na si Julianne at hihilahin na sana niya palayo sa nagliliyab na apoy ngunit nahulog siya sa hagdanan at nabitiwan ang biktima.
Sinubukan pa umano niyang umakyat uli ngunit lumaki na ang apoy.
Kuwento ni Geraldene, nagising na lamang siya na may apoy na sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Dali-dali umano niyang inalalayan ang kaniyang lola pababa. Tapos, isa-isa niyang binalikan ang kaniyang nakababatang mga kapatid. Inuna niya ang apat buwan gulang.
Ayon sa lola, halos inihagis na lamang ni Geraldene ang mga kapatid niya sa kaniya.
Nang balikan ni Geraldene si Julianne, nahawakan pa umano niya ito sa kamay at akmang hihilahin niya pababa, ngunit nahulog siya sa hagdanan.
Sa muli niyang pag-akyat ay masyado nang malaki ang apoy kaya hindi na nakalabas ang 3-anyos niyang kapatid.
Ayon kay Geraldene, nalapnos ang braso sa insidente, ikinalungkot niya na hindi niya naisalba si Julianne.