BAGUIO CITY – Sa pagsisimula ng oral argument para sa quo warranto laban kay on leave Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, nagkainitan at nagbangayan ang akusado at si Associate Justice Teresita Leonardo de Castro.
Nagkainitan makaraang hindi sinagot ni Sereno ang katanungan sa kanya ni De Castro.
Itinanong ni De Castro kay Sereno kung nakapagsumite siya ng kanyang Statement of Assets Liabilites and Networth (SALN).
Ngunit imbes sagutin ni Sereno ang katanungan, kinuwestiyon ang kapwa mga mahistrado kung nakapagsumite na sila ng kani-kanilang buong SALN.
Ayon kay Sereno, sa 39 SALN, tanging 15 lang ang isinumite ni De Castro.
Dahil dito, lalong nairita si De Castro sa hindi pagsagot ni Sereno sa kanyang katanungan.
Agad pumagitna si Acting Supreme Court Chief Justice Antonio Carpio at iniutos kay Sereno na sagutin ang tanong ni De Castro.
Nanindigan si Sereno na nakapagsumite siya ng SALN at kanyang iginiit na hindi nawawala o na-misplaced ang ilan sa kopya dahil pitong beses na silang naglipat ng bahay.
Iginiit din ni Sereno na sa impeachment hearing sa Senado na lamang niya ipi-presenta ang kopya ng kanyang mga SALN.
Kaugnay nito, inusisa din ni De Castro ang isinumiteng SALN ni Sereno noong 27 Hulyo 2010 dahil lumalabas na ang dokumento ay para sa taon 2006.
Ikinatuwiran ni Sereno na para sa 2010 ang SALN habang ang form na kanyang nagamit para sa aplikasyon ng 2010 ay may naka-print nang 2006.
Ani Sereno, isang download printout form ang kanyang nagamit at hindi siya ang nagsulat ng 2006.
Pinuna rin ni De Castro ang sinasabing 2010 SALN dahil hindi ito notaryado at kung bakit inabot pa ito ng walong buwan bago isinumite makaraan magbitiw sa University of the Philippines (UP).
Samantala, dumalo rin sina Vanguard of the Philippine Constitution Incorporated (VPCI) president, Atty. Ely Mallari at abogado niyang si Atty. Manuelito Luna upang saksihan ang naturang oral argument.
Magugunitang si Atty. Mallari ang humiling kay Solicitor General Jose Calidad na patalsikin si Sereno sa pagiging Chief Justice sa pamamagitan ng quo warranto proceedings.
(ALMAR DANGUILAN)