NASAGIP ng mga operatiba ng Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police, ang isang Japanese national sa Bulacan at arestado ang tatlong kidnapper, kabilang ang isang puganteng kababayan ng biktima.
Sinabi ni PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang Japanese na si Yuji Nakajima ay nasagip kasama ng isang Verhel Lumague, noong 5 Abril dakong 3:00 pm sa Plaridel, Bulacan.
Ang 32-anyos na si Nakajima, isang turista at residente sa Higashimukojima, Sumida-ku, Tokyo, Japan, ay dinukot noong 22 Marso.
Ang mga suspek na sina Roberto Reyes, Reggie Reyes, at Miyashita Takashi ay nadakip ng AKG operatives makaraang si Superintendent Takayashi Nakayama, kasama ang tatlong kinatawan ng Embassy of Japan, ay humingi ng tulong sa AKG nang makatanggap ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga kidnaper.
Ang passport ni Takashi, na isa ring Japanese national, ay kinansela noong 11 Setyembre 2015.
Patuloy ang manhunt operation ng mga awtoridad laban sa iba pang mga suspek.