PATAY ang isang distressed overseas Filipino worker (OFW) at ang kanyang inang senior citizen sa sunog na sumiklab sa kanilang bahay sa Tala, Caloocan City, nitong Lunes ng gabi.
Ayon sa ulat, hindi na nakilala ang labi ng biktimang si Herminda Carbonel, 74-anyos, at ang kanyang anak na si Banjo, 51-anyos.
Si Banjo ay isang dating OFW sa Dubai na nagkaroon ng diperensiya sa pag-iisip.
Batay sa ulat ni Bureau of Fire Protection (BFP) Supt. Gary Alto, fire marshall ng Caloocan, dakong 10:30 pm nang magsimula ang sunog sa bahay ng mga biktima sa Brgy. 188, Tala ng nasabing lungsod.
Hindi pa malinaw kung paano nagsimula ang sunog ngunit kombinsido ang pamilya na ang lalaking biktima ang posibleng may kagagawan sa insidente.
Kuwento ng kapatid ng lalaking biktima, nagwala umano si Banjo sa labas ng bahay bago sumiklab ang sunog. Napilitan siyang ipasok ang biktima sa bahay.
“Ginapos ko po para ‘di nagwawala. Nagpa-tulong pa ako sa barangay para ipasok dito,” aniya.
Iniwanan muna niya ang mga biktima para bantayan ang bahay ng kaniyang ate nang biglang sumiklab ang sunog.
Sa loob lamang ng higit isang oras, natupok ang buong bahay. Nadamay sa insidente ang isang bakery at salon.
Nang maapula ang apoy, natuklasan na hindi pala nakalabas ang ginang at si Banjo.
Sa inisyal na imbestigasyon, bago ang insidente ay nakitang may bitbit na gasolina si Banjo.
“Hindi na nakainom ng gamot. Bumabalik ang sakit,” anang kapatid.
Tinatayang umabot sa P500,000 halaga ng mga ari-arian ang napinsala ng sunog.
ni ROMMEL SALES