PATAY ang limang hinihinalang kidnaper sa isinagawang rescue operation ng mga awtoridad sa Laguna, nitong Martes ng umaga.
Namatay rin sa insidente ang isang babaeng pulis at sugatan ang tatlo niyang kasamahan, at isang sibilyan.
Inihayag ng pulisya, nasagip sa operasyon ang negosyanteng si Ronaldo Arguelles, na dinukot umano ng mga suspek sa Candelaria, Quezon noong Lunes ng gabi.
Napag-alaman, humingi umano ang mga suspek ng P800,000 sa pamilya ng biktima para sa kaniyang kalayaan.
Isasagawa sana ang bayaran sa bayan ng Alaminos sa Laguna habang nag-aabang ang mga awtoridad na hiningian ng tulong ng pamilya ng kidnap victim.
Gayonman, nagtangkang tumakas ang mga suspek sakay ng van ngunit hinabol sila ng mga awtoridad na umabot sa Maharlika Highway sa San Pablo City, at doon napatay ang hinihinalang mga kidnaper na nakasuot ng unipormeng pulis.
Ayon kay S/Supt. Rhoderick Armamento, director ng Quezon Provincial Police, hindi pulis ang mga suspek.
“Inaalam pa namin ‘yung profile ng mga suspect but fully armed sila. But definitely hindi sila Philippine National Police. Nagsuot sila ng bagong uniporme pero ‘yung iba naka-tsinelas,” ani Armamento.
Namatay sa hanay ng pulisya si PO1 Sarah Jane Andal, at nasugatan sina Police Officers 1 Mendoza, Orlanes at Villaflor, at isang sibilyan.
Kabilang sa mga armas na nakuha sa mga suspek ang isang Thompson rifle, dalawang caliber .45 firearms, dalawang granada at mga bala.