HINIKAYAT ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga manggagawang Filipino sa Kuwait na nais nang umuwi na kumuha ng amnesty program ng nasabing bansa bago sumapit ang 12 Abril.
“‘Wag na pong mag-atubili at mag-apply na po para maka-avail na po ng amnestiya,” pahayag ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac sa ulat.
Bagaman sa 12 Abril ang deadline sa pag-aplay sa amnesty program, ganap na matatapos ang programa sa 22 Abril.
Nitong Miyerkoles ng gabi, panibagong grupo ng mga OFW na umaabot sa 100 na nagmula sa Kuwait ang sinalubong ng OWWA sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Mula nitong nagdaang Pebrero, umabot sa 4,000 OFWs ang bumalik sa bansa mula sa Kuwait.
Kabilang sa mga nagbalik na OFW si Mary Jane Buenavidez, na nakaranas ng labis-labis na pagtatrabaho sa kaniyang amo.
“Wala ‘kong day-off, sir, tapos pinapatulog ako ng amo ko alas-dose. Tapos gising ako ng alas-singko. Pagka alas-sais, magsimula ‘ko ng trabaho ko,” kuwento niya.