NGAYONG Abril, hatid ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang tatlong independently produced films sa Cine Lokal na ipapalabas sa walong SM Cinemas. Ito ay mga kuwento ng reyalidad at mga problemang pinagdadaanan ng mga taong gusto lamang makaangat sa buhay sa kabila ng kanilang kaibahan sa lipunan.
Palabas simula ngayong Biyernes, Abril 6 ang Mga Gabing Kasinghaba ng Hair Ko (Those Long Haired Nights) ni Gerardo Calagui na na-feature sa mga international film festivals tulad ng Busan International Film Festival, Thessaloniki International Film Festival, at International Film Festival Rotterdam. Tampok dito siina Rocky Salumbides, Anthony Falcon, Matt Daclan at Mon Confiado. Ito ay tungkol sa tatlong magkakaibigang transgenders na nagtatrabaho sa red light district ng Maynila, mga masahistang nagbibigay ng “extra service” sa kanilang mga kliyente upang mabuhay.
Sa susunod na Biyernes naman ay ipapalabas ang Bhoy Intsik ni Joel Lamangan na finalist ng Sinag Maynila Independent Film Festival 2017 at nanalo ng Sinag Box Office Award. Tampok rito sina RS Francisco, Ronwaldo Martin, Jeric Raval, Elora Espano, Mon Confiado at Tony Mabesa. Ito ay tungkol sa dalawang small time na mga kriminal: isang matapang at maprinsipyong bading at isang maabilidad na binata. Sabay silang maiipit sa mga mapansamantalang mga sitwasyon habang susubukang maging malapit sa isa’t-isa.
Ang huling pelikulang ipapalabas ngayong buwan ay ang sci-fi film na Throwback Today ni Joseph Teoxon, tampok sina Carlo Aquino, Annicka Dolonuis, Kat Galang, Benj Manalo at Empress Schuck. Ito ay tungkol kay Primo na gifted pagdating sa production design na determinadong magtagumpay pero hindi pa sanay sa mga pait ng buhay. Isang araw, magkakaroon ng technical glitch ang kanyang lumang computer na bibigyan sya ng chance para irewrite ang kanyang buhay.
Huwag palagpasin ang mga pelikulang ito sa SM Manila, SM Sta. Mesa, SM Mall of Asia, SM Megamall, SM North Edsa, SM Fairview, SM Southmall and SM Bacoor.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio