ANG lahat ng Subscriber Identity Module (SIM) card users ay malapit nang atasang magparehistro upang matunton ang mga indibiduwal na ginagamit ang mobile phones sa pagsasagawa ng mga kriminalidad.
Ito ay makaraan aprobahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pangalawang pagbasa ang House Bill 7233, o panukalang “SIM Card Registration Act,” na naglalayong magparehistro ang lahat ng gumamit ng SIM cards.
Sa ilalim ng nasabing panukala, ang public telecommunication entities (PTE), o ang mga sangkot sa paglalaan ng telecommunications services sa publiko, o ang direct seller ay aatasan ang end-user ng SIM card na magpresenta ng valid identification with photo upang ma-validate ang pagkakakilanlan ng tao.
Ang PTE o direct seller ay kailangan din atasan ang SIM card end-user na mag-fill out at pumirma sa controlled-number registration form.