PAWANG sugatan ang 14 katao nang bumangga ang isang mini-bus sa poste ng koryente sa southbound lane ng Centennial Road sa Kawit, Cavite, nitong Linggo.
Nag-overtake ang sasakyan ngunit hindi napansin ng driver ang poste, ayon sa disaster response office ng bayan.
Tumakas ang driver ng mini bus at ngayon ay pinaghahanap ng pulisya.
Ayon sa disaster response office ng bayan, kabilang sa mga nasugatan ang isang sanggol, pitong babae at anim lalaki.
Dalawa sa mga biktima ang kritikal, kabilang ang konduktor.
Nitong Setyembre 2017, isang pampasaherong jeep ang sumalpok din sa poste sa parehong highway, na ikinamatay ng lima katao.