HALOS P1 milyong halaga ng mga alahas at salapi ang muntik matangay ng isang kasambahay na isang linggo pa lamang naninilbihan sa kanyang amo, sa Malabon City, kamakalawa ng madaling-araw.
Bitbit ng suspek na si Judy Ann Duero, 21, tubong Harangan, Montalban, Rizal, ang isang digital na kaha-de-yero at palabas ng gate ng Araneta University Village sa Brgy. Potrero dakong 2:50 am nang sitahin ng nakatalagang security officer ng subdivision.
Lumabas sa imbestigasyon nina PO2 Virgilio Agustin at PO2 Jose Romeo Germinal ng Malabon Police Theft and Robbery Section, na nagsimulang magtrabaho bilang kasambahay ang suspek sa pamilya ng biktimang si Helem Tam, 48, residente sa 34 Rosal St., Araneta University Village, merchandizing manager ng Hyper Home Corporation, noong 23 Marso ng kasalukuyang taon.
Nakuha agad ng suspek ang tiwala ng pamilya dahil sa maayos at masipag na paglilingkod.
Nabatid ng biktima ang pagtangay ng kasambahay sa kanyang digital vault nang tawagan siya ng security officer sa Gate 1 ng Araneta University Village na si Gloria Vida upang ipa-alam na sinita nila ang suspek habang palabas bitbit ang vault na ibinalot sa berdeng mantel.
Napag-alaman mula kay S/Insp. Christopher Millares, duty officer, na may kasabwat ang suspek sa tangkang pagtangay ng vault dahil may nakitang dalawang lalaking nakasakay ng motorsiklo sa labas ng gate ng naturang subdivision ngunit mabilis na humarurot paalis nang makitang sinita ng mga guwardiya ang kasambahay.
(ROMMEL SALES)