NAGING madugo ang Easter Sunday sa Lungsod Quezon makaraan muling umatake ang riding-in-tandem na hinoldap at pinagbabaril ang magkaibigang magkaangkas sa motorsiklo sa Brgy. Batasan Hills, kahapon ng umaga.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) director, C/Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar mula kay Supt. Rodelio Marcelo, Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) chief, ang magkaibigang napatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ay sina Charlie Bugarin, 30, meat trader, residente sa Cainta, Rizal, at Albert Urmaza, 31, residente sa Summergreen Executive Village, San Andres, Cainta, Rizal.
Namatay noon din ang dalawang biktima dahil sa mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa kanilang katawan.
Ayon sa saksi, dakong 11:00 am, naglalakad siya sa tulay sa San Mateo-Batasan Road, Brgy. Batasan Hills, nakita niyang tumabi at huminto ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Pagkaraan ay pinagbabaril nila ang paparating na motorsiklong sakay ang dalawang biktima.
Duguang bumagsak ang magkaibigan, lumapit ang isa sa mga suspek at kinuha ang dalang bag ng isa sa mga biktima, na hinalang may lamang cash mula sa koleksiyon ng pinagbentahang baboy.
Matapos ito ay tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungong San Mateo, Rizal. (ALMAR DANGUILAN)