IPINAHAYAG ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Martes na nararapat lamang maitayo ang mga casino pagkatapos marinig ang mga sentimyento ng komunidad kagaya ng pagpapadama sa pamamagitan ng isang resolusyon ng Sangguniang Panlungsod o Sangguniang Bayan ng mismong host local government unit (LGU).
Ginawa ni Pimentel ang kanyang pahayag bilang tugon sa lumalaking pagtutol sa planong pagtatayo ng $500-million casino sa isla ng Boracay.
“Hinihiling ko na tanggapin natin ang espiritu ng Federalismo hayaan nating maging bahagi sa pagdedesisyon ang taongbayan kung nararapat itayo sa kanilang lokalidad ang casino,” sabi ni Pimentel.
Iginiit ng Senate President na may kalakip na ikabubuti at ikasasama sa isang komunidad ang pagtatayo ng casino at dapat lamang magkaroon ng tinig sa proseso ng pagdedesisyon ang mga taong maaapektohan nito.
“Ang Federalismo ay tungkol sa paghahatag ng kapangyarihan sa mamamayan sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanilang mapasama sa proseso ng pagdedesisyon. Kahit na hindi pa man naipatutupad ang paglipat natin tungo sa Federalismo, wala namang batas na nagbabawal tungo sa pagtanggap ng pamamaraang konsultasyon,” ani Pimentel.
Kabilang ang Federalismo sa mga pangunahing isinusulong ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP Laban), ang ruling party ng bansa na pinamumunuan ni Pimentel bilang Pangulo at ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Chairman.
“Hinihimok ko ang mga LGU, pabayaan ninyong marinig ang tinig ng inyong mamamayan. Konsultahin ninyo sila, magpasa ng resolusyong magpapakita ng kanilang mga alalahanin at ipresenta ang resulta nito sa PAGCOR at mga inaasahang mamumuhunan,” hiling ni Pimentel sa mga LGU na maaaring magsilbing punong-abala sa casino.