INIHAYAG ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II nitong Martes, iniutos niyang ang i-vacate ang dismissal sa drug charges laban sa hinihinalang drug lords na sina Kerwin Espinosa at Peter Lim, upang maging “wide open” ang kaso para sa bagong mga ebidensiya at testimonya.
“I issued an order vacating the dismissal of the case and ordered that the cases be wide open for both parties, complainants and respondents, to file whatever evidence they have in support of respective position,” pahayag ni Aguirre.
Dagdag ni Aguirre, nagbuo siya ng bagong panel na magrerepaso sa mga kaso laban kina Espinosa, Lim at sa umano’y kanilang mga kasabwat.
Nauna rito, nagpahayag ng pagkadesmaya si Pangulong Rodrigo Duterte makaraan mabatid na ibinasura ng DOJ prosecutors ang mga kaso laban kina Espinosa, Lim at iba pa dahil sa kahinaan ng mga ebidensiya.
Habang ilang mambabatas at grupo ang nanawagan sa pagbibitiw ni Aguirre dahil sa pagdismis sa kaso ng hinihinalang drug lords.
Ayon sa mga kritiko, patunay ito na ang “war on drugs” ng gobyerno ay talagang para lamang sa mahihirap at mahihina.