SA botong 17-2, inaprobahan ng Senado sa pangatlo at pinal na pagbasa nitong Lunes, ang panukalang naglalayong magtatag ng Philippine Identification System.
Hindi pumabor sina Senators Francis Pangilinan at Risa Hontiveros sa Senate Bill 1738.
Sa paliwanag sa kanyang boto, sinabi ni Hontiveros na nais niyang magkaroon ng “safeguards” partikular sa seksiyon na pahihintulutan ang gobyerno na ma-access ang private information ng isang indibiduwal “when the compelling interest of public health or public safety so requires upon the order of a competent court.”
“Sino ang magtatakda kailan ang compelling interest of public health, kailan ang compelling interest of public safety na nangangailangan sa pag-access sa impormasyon ng isang mamamayan sa ilalim ng Philippine Identification System?” aniya.
Habang sinabi ni Senator Panfilo Lacson, sponsor ng panukala, ikokonsidera nila ang mga amiyenda na nais isagawa ni Hontiveros.
Kaugnay nito, inimbitahan ni Lacson si Hontiveros na maging bahagi ng bicameral conference committee na magre-reconcile sa counterpart bill na ipinasa ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Sa nasabing panukala, pag-iisahin ang lahat ng government IDS, 33 sa kabuuan, sa pamamagitan ng pagtatatag ng iisang national identification system, na kikilalanin bilang Philippine Identification System (PhilSys).