NAREKOBER ng mga awtoridad nitong Lunes ang ikalimang biktimang namatay, kasabay ang pagdeklarang fire-out na ang sunog sa Manila Pavilion Hotel and Casino sa Ermita, Maynila.
Ayon sa ulat, ang ika-limang biktima ay kinilalang si Jo Cris Sabado, idineklarang nawawala makaraan magsimula ang sunog sa hotel pasado 9:00 am nitong Linggo.
Nabatid na si Sabido ay kapatid ng isa pang fire fatality na kinilalang si Mark Sabado.
Ang dalawang iba pang namatay sa insidente ay kinilalang sina Jun Evangelista, treasury officer, at Billy de Castro, intern security.
Samantala, idineklara ng Manila fire bureau na ganap nang naapula ang apoy dakong 10:56 am kahapon.
Sinabi ng mga awtoridad, 24 ang sugatan sa insidente, kabilang ang isang kritikal ang kondisyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente kabilang ang ulat na hindi gumana ang sprinkler system ng hotel nang magsimula ang sunog.
Nabatid din na nagsagawa ng fire drill sa nabanggit na hotel, isang linggo bago ang insidente.