INAPROBAHAN na ng House Committee on Justice, sa botong 33-1 nitong Lunes, ang committee report na naglalaman ng anim na articles of impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Kasunod nito, isasalang ang articles of impeachment sa plenaryo ng kapulungan.
Sa articles of impeachment, nais ng komite na alisin sa puwesto si Sereno dahil umano sa hindi niya pagsusumite ng kaniyang sinumpaang statement of assets and liabilities and net worth (SALN), na paglabag sa nakasaad sa Konstitusyon o pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Kasama rin dito ang hindi umano tamang paggamit ni Sereno ng P18 milyon pondo ng bayan, pagiging arogante at pag-abuso sa kaniyang posisyon, at paglabag sa prinsipyo ng “separation of powers among the three branches of government.”
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, nitong Lunes, isasalang nila sa plenaryo ang committee report at hindi na nila hihintayin ang desisyon ng Korte Suprema sa quo warrant petition na isinampa laban kay Sereno.
Sa sandaling pagbotohan at aprobahan ng buong kapulungan ang committee report at articles of impeachment, ipadadala na nila ito sa Senado na tatayong impeachment court para litisin si Sereno.
“I’m just waiting for when the Senate is ready. Kasi if you file something, you have to be ready to prosecute,” ayon sa kongresista.
“The senators will go on break also and will come back. Paano kami maghi-hearing kung naka-adjourn kami?” dagdag niya.
Nakatakdang magbakasyon ang Kongreso sa 23 Marso at magbubukas sa 14 Mayo.