LALONG umaarangkada ang showbiz career ng indie actor na si Tonz Are. Patuloy nga sa paghataw si Tonz dahil bukod sa acting awards na natatanggap niya, kaliwa’t kanan ang kanyang projects ngayon. Bukod sa mga indie films, lumabas din siya sa stage play, at gaganap ng mahalagang papel sa darating na Lenten Special ng GMA-7 na pagbibidahan ni Sanya Lopez.
Kuwento niya sa amin, “Iyong sa GMA-7 po, ang title nito ay Pilat, ang bida ay si Sanya Lopez, Louella de Cordova, Pancho Magno at iba pa, sa direksiyon ni Honeylet Adajer. Bale Holy Week special po (siya) na ipapalabas sa GMA 7 at ang role ko po rito ay isang police na tiyuhin ni Tere (Sanya),” saad niya.
Dagdag ni Tonz, ”Sa movie naman, my new film ako, ‘yung Rendezvous sa direksiyon ni Marvin Gabas under Knight Vision Production. Executive producer is si Enouch Cruz at kasama ko po rito sa film sina Ms. Gina Pareño, Patani Daño, Jiana Arigue, JR Batongbacal, Amaya Vibal, Jeanne Casbuena, Christian Tiongco, Mica Baluyot at iba pa. Si Ms. Gina po rito, siya si lola Oreng na lola ni Mira, iyong ka-love team ko. Ako po ang lead sa movie na ito.
“Showing na rin ang movie kong Onna sa March 31 sa SM North EDSA, Cinema 8. Ito’y sa direksiyon nina Joel Mendoza and Bong Bordones. Iyong Onna po, it’s a Japanese word na ang meaning ay babae. Horror film po (siya) and I play the role of Rione, brother ng Onna played by Kristine Mangle po.
“Iyong isa ko pang movie ay Agulu, kasama naman po namin dito si Janice Jurado, nanay ko po siya. Kasama rin po rito sina Kristofer King, Pamela Ortiz Amaya Vibal, at iba pa. Sobrang happy din ako na naging nanay ko sa pelikula si Janice Jurado, isang karangalan ang makaeksena ko ang veteran actress na tulad niya.
“Ang Agulu po ay entry sa Toronto Film Festival sa Canada, at ito’y sa direksiyon ni Reyno Oposa. Sobrang ganda ng istorya nito at ang daming aral po na mapupulot, lalo sa kabataan dahil about po ito sa droga.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio