ARESTADO ang isang pekeng dentista na ang ginagamit na dental equipment ay pang-construction at pangsasakyan katulad ng martilyo, plais at jack, sa Mabini, Batangas, kamakalawa.
Sa surveillance video ng Mabini police para makompirma ang sumbong laban sa nagpapanggap umanong dentista na si Leopoldo Mañibo, ay makikita ang aktuwal na pagsusukat ni Mañibo sa mga undercover agent ng Philippine Dental Association at Mabini police na nagpanggap na kliyente para magpagawa kunwari ng pustiso at retainer.
Nang makuha ang hudyat, agad sumalakay ang raiding team at dinakip si Mañibo.
Nakita ng raiding team sa nagsisilbi niyang “klinika” ang dugyot na mga gamit tulad ng plais, nipper, martilyo at mayroon pang jack para sa kotse.
Ayon kay Dr. Francis Abrahan, chairman, PDA-Batangas chapter, peligroso ang ginagawa ni Mañibo dahil maaari itong pagmulan ng pagkakahawa ng mga sakit.
“Ang mga tao malalaman nila na unang-una ‘pag may AIDS, hepa [ang pasyente], transfer sa susunod na pasyente. Ito ang sinasabi naming mga complication kasi hindi sila gumagamit ng mga…hindi malilinis ‘yung ginagamit. Hindi sterile, walang gloves, puro kalawang na,” sabi ni Abrahan.
Hindi rin umano pang-dentist o dental technician ang mga nakitang gamit sa lugar ng suspek.
Habang sinabi ni Mañibo na hindi niya alam na bawal ang kaniyang ginagawa kaya ititigil na niya.
Sasampahan ang suspek ng reklamong paglabag sa illegal practice of dentistry.
HATAW News Team