MARAMING tsuper partikular sa Kamaynilaan ang hindi dapat nagkalisensiya pero nakalulusot dahil kahit sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi maikakailang naglipana pa rin sa mga tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga pasaway na fixers.
May nakakuwentohan nga akong taxi driver na nagsabing pangunahing kuwalipikasyon ng mga pampasaherong bus sa mga aplikanteng tsuper na nakapatay na sa manibela. May lihim ding utos ang may-ari ng mga kompanya ng bus na kapag nakasagasa ang isang tsuper, tiyaking isang bayaran lang o patayin na ang biktima. Kaya maraming biktima ng mga aksidente ang ‘sinasadya’ nang patayin ng mga tsuper para walang gaanong gastos ang kanilang mga walang konsensiyang amo at bantad na ang ganitong kalakaran sa lansangan.
Ganito ang nangyari sa river warrior ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) na si Alfredo B. Sanchez, 59, may asawa, at residente ng San Andres Bukid, Sta. Ana, Maynila.
Ayon sa isang nakasaksi sa pangyayari:
“Kukuha lang sana ng boots. Tumatawid mula sa area ng clean up papuntang MRF (Material Recovery Facility) facility natin. Nakatingin sa kaliwa, ‘di niya akalain ‘yung lumagpas na sasakyan e aatras nang mabilis. ‘Yun ang tumama sa kanya. Nang narinig na nagsalita pa, saka itinodo nang atras ng driver para masigurado na mamatay siya. Medyo bata pa ang driver at kunwaring hinihimatay pa.”
Malakas siguro ang kompanyang Best Power sa Valenzuela City na mabilis nakatawag sa pulisya kaya ang resulta, sa halip na murder ay reckless imprudence resulting to homicide ang naging kaso ng ‘mamamatay-taong’ si Perlito Soronio, Jr., 32, may asawa at residente ng Valenzuela City.
Napakatalinong imbestigador nitong si SPO1 Rodrigo R. Voluntado Jr., kaya sana, huwag siyang makarma na mangyari sa pamilya niya ang ginawa ng tukayo niyang si “Jun” sa environmental aide o river warrior na si Sanchez, mas kilala sa alyas na “Pido.”
Narito ang pahayag ng mga kasamahan ni Pido mula sa PRRC na nasa ilalim ng Office of the President:
“Lubos na nalulungkot ang buong pamunuan at pamilya ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa maagang pamamaalam ni Alfredo “Pido” B. Sanchez na kapiling na ngayon ng ating Maylikha.
“Ngayong araw na ito, 13 Marso 2018, ay binawian ng buhay si Pido sa edad na 59, habang nagsisilbi sa bayan, dahil sa hindi inaasahang trahedya.
“Aming ginugunita ang kabayanihan ni Pido bilang isang napakasipag at matapat na River Warrior. Isa siyang tanod ng kalikasan, mapagmahal na ama, masunuring anak, at mabuting kaibigan.
“Ang buong PRRC ay nakikiramay sa mga naiwang mahal sa buhay ni Pido. Dalangin namin nawa’y pagkalooban kayo ng Panginoon ng tibay at lakas ng loob, at kapayapaan sa pagsubok na ito.
“Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa. Salamat Pido. Hinding hindi ka namin malilimutan.”
Walang kibo si PRRC Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” Goitia pero tiyak na aaksiyon siya lalo’t kawani ng kanyang ahensiya ang biktima.
Sinadyang patayin si Pido pero may kung anong kabulastugan itong si Voluntado na boluntaryong ‘sinadya’ na pababain ang kaso ng kanyang tukayo. Tsk, tsk, tsk.
ABOT-SIPAT
ni Ariel Dim Borlongan