INIHAYAG ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na mahina ang reklamong inihain ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa hinihinalang drug dealers na sina Kerwin Espinosa at Peter Lim.
“Mahina po at hindi lamang ‘yon, pati ‘yong ebidensiyang dapat isinama na akala ng public ay isinama na katulad halimbawa no’ng inamin daw ni Kerwin Espinosa iyong pagti-trade niya ng drugs,” pahayag ni Aguirre.
Ang tinutukoy ni Aguirre ang naging testimonya ni Espinosa sa pagdinig na isinagawa ng Senado noong 2016 tungkol sa pagkakasangkot ng huli sa kalakaran ng ilegal na droga.
“Ngayon hindi naman ‘yan ibinigay bilang ebidensiya doon sa DOJ kaya hindi natin masasabi, hindi natin maisasama ‘yan sa mga ebidensiyang gagamitin sa pagresolba doon sa mga kaso,” ani Aguirre.
Bunsod ng kakulangan ng ebidensiya, nagpasya ang prosekusyon sa DOJ na iabsuwelto sina Espinosa, Lim at iba pang akusado.
Samantala, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kinompronta ni Pangulong Rodrigo Duterte si Aguirre kaugnay sa pagkakaabsuwelto kina Lim at Espinosa.
“‘Pag nakawala ‘yan si Lim at Espinosa, siya ang ipapalit ko. I can review that dismissal order,” pahayag umano ni Duterte kay Aguirre sa ginanap na AFP-PNP command conference sa Malacañang.
“Nag-amin na nga sa Congress! Why not admit it as evidence against him?” dagdag umano ng Pangulo.
Bumuo na si Aguirre ng bagong lupon ng prosekusyon na rerepaso sa naunang desisyon.