NAGBITIW si Aiza Seguerra bilang tagapangulo ng National Youth Commission (NYC), ayon sa anunsiyo ng Malacañang nitong Martes.
Sa pulong balitaan, kinompirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque na natanggap na ng Office of the Executive Secretary ang resignation letter ni Aiza.
Kabilang si Aiza, at ang partner niyang si Film Development Council of the Philippines chairman Liza Diño-Seguerra, sa mga celebrity na sumuporta noon sa kandidatura ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Itinalaga sa NYC si Aiza noong Agosto 2016. Hindi pa batid kung ano ang dahilan ng pagbibitiw ni Aiza.
Sa kaniyang panunungkulan sa NYC, kabilang sa mga isinulong na programa ni Aiza ang HIV awareness at youth representation sa gobyerno.
Bagama’t masugid na tagasuporta ni Duterte, kabilang si Aiza sa mga hindi sang-ayon sa pagbibiro ng pangulo tungkol sa rape.