MAKARAAN ang tatlong taon, nadakip ang 11 sa 12 suspek sa panggagahasa sa isang dalagitang may problema sa pag-iisip sa Vigan, Ilocos Sur.
Ayon sa ulat, taon 2015 nang unang pagsamantalahan umano ng mga lalaki ang dalagitang kinilala bilang si Kit, noon ay 15-anyos.
Pito sa mga suspek ay nasa hustong gulang habang apat sa kanila ay menor de edad. Tatlo sa kanila ay kabilang sa mga “most wanted” ng lungsod ng Vigan.
Kuwento ni Kit, pinainom siya ng alak ng mga suspek bago siya halinhinang hinalay.
“Binigyan ako ng pera ng kaibigan nila, pag-uwi ko parang iba na ‘yung tingin ko sa kanila,” sabi ni Kit. “Parang wine ate, wine na white.”
Sabi sa ulat, ang panggagahasang ito ay muling naulit nitong Agosto 2017.
Ang kampo ng biktima, nais pagbayaran ng mga suspek ang ginawang panghahalay kay Kit. Hindi raw sila makikipag-areglo sa mga suspek.
“Sana mabulok na sila sa kulungan, bayaran na nila ‘yung ginawa nila sa akin,” sabi ni Kit.
“Ang isang magulang na makikipag-areglo, kinokonsinti lamang ang kanilang ginawang masama. Sinira kasi nila ang kinabukasan niya,” dagdag ng lola ng biktima.
Mariing itinanggi ng isa sa mga suspek ang akusasyon sa kanila. Sila ay kasalukuyang nakakulong sa Vigan Police Station at nahaharap sa kasong eleven counts of statutory rape na walang kaukulang piyansa.
Habang pinaghahanap ng mga awtoridad ang isa pang suspek na kinilalang si Michael Pacayo Supnet.
“Dalhin na lang dito at isuko to face the trial. Para walang problema kaysa magtago pa sila,” sabi ni Supt. Marlo Castillo, hepe ng Vigan police.