INIHAYAG ng state weather bureau PAGASA nitong Linggo, maaaring ideklara ang summer season sa kalagitnaan ng Marso, kapag natapos na ang malamig na northeast monsoon o amihan sa Luzon.
Ang amihan ay kasalukuyang nagdudulot ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Cordillera, Bicol Region, at Eastern Visayas, at sa mga lalawigan ng Aurora at Quezon, ayon kay PAGASA meteorologist Aldczar Aurelio.
Habang ang Metro Manila at nalalabing lugar sa Luzon, ay nakararanas ng isolated light rains bunsod ng malamig na hangin mula sa Siberia at China, aniya.
“Itong amihan ito ay maaaring huling bugso na ito at inaasahan natin ngayong linggo — bukas o ngayong Martes — ay makakaranas na tayo ng mainit na panahon,” ayon kay Aurelio.
Ang easterlies o mainit na hangin mula sa Pacific, kasama ng high pressure area, ang magiging dominant weather systems, dagdag ni Aurelio.