CAGAYAN DE ORO CITY – Lima ang namatay makaraan masunog ang dalawang palapag na bahay sa Corrales Extension sa lungsod na ito, nitong madaling-araw ng Sabado.
Ang mga biktimang namatay ay kinilala ng may-ari ng bahay na si Eduardo Cirilio, na ang mga anak niyang sina Mark Kenneth, 21-anyos, at tatlo pang anak na menor de edad.
Kabilang din sa namatay ang nobya ni Mark Kenneth na si Connie Nandong, 24-anyos.
Ang nasunog na labi ng mga biktima ay natagpuan sa iba’t ibang bahagi ng bahay. Isa rito ay nakita sa loob ng banyo.
Ayon sa ulat, natutulog umano ang pamilya Cirillo nang sumiklab ang apoy pasado 1:00 ng madaling araw.
Agad nilamon ng apoy ang buong kabaha-yan na gawa sa light materials.
Habang nakaligtas sa sunog at naospital ang misis ni Eduardo na si Melody at tatlo pa nilang kamag-anak.
Wala umanong fire exit ang kanilang bahay at ang pinto sa harap ay nakakandado. Wala sa bahay si Eduardo nang maganap ang sunog.
Ani Eduardo, tumalon sa ikalawang palapag ang kaniyang asawa.
Pinatatalon din niya ang mga anak ngunit hindi sila tumalon kaya na-trap sila sa loob.
Sa inisyal na imbestigasyon, confined space ang bahay at dahil makapal ang bakal ng pader, hindi agad nakalabas ang mga residente.
Patuloy na inaalam ng Bureau of Fire Protection kung ano ang sanhi ng sunog. Umaabot sa P100,000 ang halaga ng pinsala ng sunog.