INUMPISAHAN ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA). ang pakikipagpulong para sa mga local at foreign airlines upang maayos ang paglilipat ng kanilang mga tanggapan sa terminals ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal, sinimulan nila ang transition nitong 1 Marso, para sa paglilipat ng ibang mga airlines patungo sa Terminal 1, 2 at 3.
Layunin nitong maibsan at maiwasan ang congestion sa mga terminal.
Sinabi ni Media Affairs chief, Jess Martinez, ang matitira na lamang sa NAIA terminal 1, ay limang international airlines na ookupa rito, kinabibilangan ng Thai Airway, Saudia Airways, Japan Airlines, Etihad Airlines at lahat ng mga international flights ng Philippine Airlines.
Ang ibang airlines na dating nasa NAIA terminal 1, ay lilipat sa NAIA terminal 3. Ito ay China Southern, China Airlines, China Eastern, Xiamen Airlines, Oman Airlines, Eva Air, Kuwait Airlines, Jetstar, Gulf Airlines, Korean Airlines, Asiana Airlines, Qantas Air, Malaysian Airlines, Qatar Airlines, Royal Brunei Airlines, Tiger Air, Jeju Airlines, Air Niugini at Air China.
Ayon kay Martinez, mula sa 45 days na palugit para sa paglilipat ng mga airlines sa mga bago nilang tanggapan ay binigyan pa sila hanggang anim na buwan para maayos ang paglilipatan nila.
Ang NAIA terminal 2, ay gagawin na lamang Domestic terminal at ang Cebu Pacific Domestic flight, na nasa NAIA terminal 3, ay lilipat na sa NAIA Terminal 2.
Ang mga domestic flights ng mga eroplano ng Philippine Airlines at Cebu Pacific ay magsasama sa NAIA 2 para sa kanilang operations.
Samantala, ang NAIA terminal 4 o ang old domestic terminal, ay mananatili pa rin doon ang mga domesitc airlines ng Air Asia at CebGo at hindi na ito gagalawin pa.
Sinabi ni Monreal, inaasahang matatapos ang transition sa Agosto ng taong kasalukuyan. (JSY)