Saturday , November 16 2024

Impeachment vs CJ Sereno lusot sa Kamara (Sa Justice Committee)

IDINEKLARA ng mga miyembro ng House Committee on Justice, nitong Huwebes na may basehan ang impeachment complaint na inihain laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ito ay makaraan ang 38-2 resulta ng botohan sa mababang kapulungan.

Ayon sa ulat, tanging sina Rep. Kaka Bag-ao (Dinagat Islands) at Rep. Jose Christopher “Kit” Belmonte (Quezon City), ang hindi sumang-ayon sa mosyon na inihain ni ABS party-list Rep. Eugene Michael De Vera na may probable cause ang reklamong isinampa ni Atty. Lorenzo “Larry” Gadon laban sa punong mahistrado.

Magugunitang inakusahan ni Gadon si Sereno na nakagawa ng mga kasalanan na basehan para siya patalsikin sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment, tulad ng “culpable violation of the Constitution, corruption, other high crimes and betrayal of public trust.”

Bunsod nito, ihahanda na ng komite ang report na isusumite nila sa plenaryo para pagbotohan ng lahat ng mga kasapi ng mababang kapulungan.

Kapag inaprobahan ng buong kapulungan ang reklamo, ihahanda na ang “Articles of Impeachment” na kanilang isusumite sa Senado, na tatayong hukom sa paglilitis sa punong mahistrado.

Gayonman, hindi pa malinaw kung kailan isasalang sa botohan sa plenaryo ang impeachment complaint dahil sa pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez nitong Miyerkoles na hihintayin muna nila ang desisyon ng Korte Suprema sa “quo warranto petition” na inihain ni Solicitor General Jose Calida laban kay Sereno.

“Hindi kinakailangan (hintayin), pero for practical purposes, parang mas maganda na hintayin. Kasi nga kung tuloy-tuloy kami, tapos biglang in-invalidate ng Supreme Court yung appointment [ni Sereno], so sino pa ang i-impeach natin?” ayon sa lider ng Kamara.

Sa kabilang dako, itinuring ni Sereno na “gimmick” ang hakbangin na patalsikin siya sa puwesto.

Sa kaniyang talumpati sa Philippine Women Judges Association convention sa Manila Hotel nitong Huwebes, muli niyang inihayag ang kahandaan na humarap sa impeachment trial sa Senado.

“Indeed I look at any form to try me other than the constitutionally exclusive form of impeachment as an admission by the complainant and my other detractors that after 15 hearings, they have failed to come up with any evidence with which I can be convicted in the Senate,” saad niya.

“Sila ang nagsimula, bakit ayaw nilang tapusin? Napakaaga naman yata para umamin sila na wala silang napala kundi matinding kabiguan. Kaya kung ano-ano na lamang ang gimmick na ginagawa nila, masunod lamang ang kanilang nais,” dagdag ng punong mahistrado na kasalukuyang naka-leave sa SC.

HATAW News Team

IMPEACH SERENO
IKINAGALAK NG PALASYO

IKINAGALAK ng Palasyo ang desisyon ng House Justice Committee na may probable cause ang impeachment complaint laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang pasya ng House Justice Committee ay patunay na gumagana ang impeachment process na nakasaad sa Konstitusyon sa layuning panagutin ang Punong Mahistrado.

“Patunay na naman po ito na gumagana iyong ating mga proseso na nakasaad sa ating Saligang Batas. Lalo na iyong proseso ng impeachment na proseso para mapanagot iyong pinakamataas na mga opisyales ng ating bayan. So nagagalak po kami na nakita natin na gumagana muli ang ating institusyon,” ani Roque sa press briefing sa Palasyo kahapon.

Sa botong 38–2 ay pinaboran ng House Justice Committee ang kasong impeachment laban kay Sereno bunsod ng pagkabigo niyang isiwalat ang kanyang tunay na yaman at iba pang paglabag sa batas.

Idudulog ang committee report sa House plenary para pagbotohan at kailangang makalikom ng 1/3 vote ang impeachment complaint bago dalhin sa Senado upang isagawa ang paglilitis.

“Nakita natin kay Bautista kung ano ang decision ng komite, puwede pa mabaliktad sa plenary. Hintayin muna natin ang boto sa plenaryo dahil ‘yun ang magiging susi para umusad ang impeachment complaint at maging impeachment case sa Senado sitting as impeachment court,” ani Roque.

Kamakalawa ay dumistansiya si Duterte sa impeachment complaint laban kay Sereno at bahala na aniya ang Kongresong humusga sa usapin.

(ROSE NOVENARIO)

 

About hataw tabloid

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *